Ticker

6/recent/ticker-posts

Rosanna Roces, nais tulungan ang Security Guard na natanggal sa trabaho


“Tulungan natin si Guard... kawawa, may pamilya ‘yan.” Ganito ang naging panawagan ng aktres na si Rosanna Roces, isa sa mga cast ng *FPJ’s Batang Quiapo,* sa isang Facebook post kaninang tanghali.  

Ang tinutukoy ni Rosanna ay ang security guard na natanggal sa trabaho matapos ang isang viral na insidente sa isang kilalang mall. Sa video, makikita ang isang estudyanteng nagtitinda ng sampaguita na nakaupo sa hagdanan ng mall. Nilapitan siya ng guwardiya upang paalisin—isang eksenang maayos na sana kung hindi nito sinira ang panindang bulaklak ng bata. Sa galit, hinampas ng estudyante ang guwardiya gamit ang isang bulaklak, na nauwi sa pagsipa ng guwardiya sa bata.  

May mga nagsasabi na miyembro umano ng sindikato ang bata at nagpapanggap lamang para makapanglimos. Ngunit kahit totoo man ito, tanong ng marami: bakit kailangang saktan ng guwardiya ang bata? Wala bang anak na babae ang nasabing guwardiya?  

Kilala si Rosanna bilang maawain at matulungin, kahit ayaw niya itong ipagsabi. Ngunit dahil nag-post siya sa social media tungkol sa kanyang balak na tumulong sa guwardiya, nalaman na ng publiko ang kanyang layunin.  

Inatasan ni Rosanna ang kanyang kaibigan, si Morly Alinio, host sa DZRH radio, na hanapin ang guwardiya. Sa kanyang post, sinabi ni Rosanna: *“Pahanap nu’ng Guard, Morly Alinio. Tutulungan ko ‘yan. Magiging precedent ‘yan, babastusin na lahat ng Guard na ginagawa lang ang trabaho nila.”*  

Dagdag pa niya, *“Doon tayo sa Guard... nagtatrabaho ng legal ‘yan, hindi nagpapanggap na guard lang. No to palimos at iba pang uri ng panloloko!”*  

Samantala, humingi na ng paumanhin ang security agency na REDEYE II MANAGEMENT, kung saan nagtatrabaho ang guwardiya. Sa kanilang pahayag, sinabi nilang, *“We sincerely apologize for the actions displayed in the video and assure everyone that we are already conducting due process with the guard involved.”*  

Dagdag pa nila, *“May this serve as a reminder to all agencies of the values we must uphold in performing our duties. It is crucial to prioritize de-escalation and avoid letting emotions take control of our actions.”*  

Ayon naman sa imbestigasyon ng Mandaluyong Police, ang bata ay isang 18-anyos na iskolar na nagtitinda ng sampaguita upang may pambaon at pangdagdag sa gastusin ng kanyang pamilya.  

Para kay Rosanna, mas iniisip niya ang pamilya ng guwardiya. Batid niya ang pangamba ng mga ito na baka tuluyan nang mawalan ng trabaho ang haligi ng kanilang tahanan.

Post a Comment

0 Comments