Humingi ng Paumanhin ang Sampaguita Vendor, Nilinaw ang Kanyang Panig
Humingi ng Paumanhin ang Sampaguita Vendor sa Natanggal na Security Guard
Humingi ng paumanhin ang isang 22-anyos na sampaguita vendor sa security guard na natanggal sa trabaho matapos ang insidente sa labas ng isang mall sa Mandaluyong City noong Disyembre 17, 2024.
Sa kabila nito, inamin ng vendor na siya'y nangangamba. Natatakot siyang baka balikan siya ng guard na nawalan ng trabaho.
Lumabas ang panig ng vendor sa isang video ng ABS-CBN News na inilathala ngayong Linggo, Enero 19, 2025. Hindi ipinakita sa video ang mukha ng vendor. Ang nakita lang ay ang bahagi ng katawan mula tiyan hanggang tuhod.
May hawak siyang cellphone at suot ang isang pink na relos habang nagbibigay ng pahayag.
Sinabi ng 22-anyos na sampaguita vendor na hindi niya ginusto ang pagkawala ng trabaho ng security guard, na gumamit ng karahasan upang paalisin siya sa lugar na sakop ng mall.
Ayon sa vendor, wala siyang ginawang pagmumura o pagdura sa guard, taliwas sa ilang haka-haka.
“Gusto kong humingi ng sorry sa kanya. Hindi ko po ginusto na matanggal siya sa trabaho," pahayag ng vendor sa panayam ng ABS-CBN News.
Nilinaw din niya na ang mall management, at hindi siya, ang nagdesisyong tanggalin ang security guard. “At SM po ang nag-decide at hindi po ako, at wala po akong kinalaman,” dagdag pa niya.
Sinabi ng sampaguita vendor na siya rin ay biktima ng mga negatibong reaksyon sa social media dahil sa viral video ng engkuwentro nila ng security guard.
“Biktima lang din po ako ng pagpo-post sa social media kaya nagso-sorry ako sa kanya kung anuman ang nagawa ko sa kanya,” aniya.
Mariin niyang itinanggi ang mga haka-hakang namamalimos siya o miyembro ng sindikato. Ipinaliwanag niya ang sitwasyon noong Disyembre 17, 2024, kung kailan nangyari ang insidente.
“Hindi po ako namamalimos nung araw na po noon. December po noon," sabi niya.
Pinaliwanag din niya ang kahulugan ng kartong may nakasulat na "Namamasko po" na hawak niya sa video. “Hawak ko lang po yon kasi siyempre December po. Karamihan sa tao, hindi naman po nabili yung sampaguita.
"So, gusto lang nilang bigyan ako ng konting handog na pamasko at hindi po yon limos. Sila lang po yung naghuhulog doon. Sinasabi po nila, ‘Pamaskuhan na lang kita.’”
Nilinaw pa niya, “Hindi po ako nanghihingi, hindi po nangangalabit noon. Kung namamalimos po ako, e, di sana mahaba yung statement sa karton. E, ang nakalagay lang po dun, e, 'Namamasko po.'”
Sampaguita Vendor, Ipinaliwanag ang Pagsusuot ng Uniform at Pangamba sa Seguridad
Nagpaliwanag ang 22-anyos na sampaguita vendor tungkol sa pagsusuot niya ng high school uniform habang nagtitinda, sa kabila ng pagiging Medical Technology student sa St. Jude College.
“Yung uniform na yon, uniform ko po yon ng junior high [school]. Pugad Lawin po," sabi niya, na tumutukoy sa eskuwelahang pinasukan niya noon sa Project 8, Quezon City.
Ayon sa vendor, isa lang ang uniform niya sa St. Jude College kaya niya sinusuot ang dating uniform habang nilalabhan ang ginagamit sa kolehiyo.
“Nagsusuot po ako ng uniform kasi para maging disente sa harap ng tao. At hindi po pagpapanggap yon, totoo naman po akong nag-aaral,” dagdag niya.
Sa kabila ng paghingi niya ng paumanhin sa security guard at ang paliwanag tungkol sa pagtitinda para tustusan ang pag-aaral, dumami ang simpatiya para sa guard na nawalan ng trabaho.
Aminado ang vendor na nababahala siya sa mga pangyayari, lalo na’t may mga kumakalat na personal na impormasyon tungkol sa kanya.
“Gusto ko pong tahimik lang ang buhay ko, privacy lang po ang nais ko," aniya. "Tapos yung mga personal information ko po, nali-leak po sa social media. Hindi ko po ginusto yon at wala po akong intensiyon na mangyari yon."
Nangangamba rin siya na baka balikan siya ng security guard.
“Sa ngayon, halo-halo po yung kaba ko kasi nga po nasisante nga po siya. Naisip ko rin po na dahil siguro po sa galit niya, baka balikan niya ako.
“Hindi naman po sa nag-o-overthink ako, pero may mga possible na ganoon po ang naiisip ko na baka isang araw, abangan niya po ako sa labas ng school namin o baka po nagtinda po ulit ako, abangan niya po ako.”
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag mula sa sinibak na security guard tungkol sa mga paratang at sa naging desisyon ng mall management.
.png)

1 Comments
Nkkaawa nmn s manong guard bka marami siyang anak n pinakakain. Ano kaya ang lagay ng familia ni manong guard ngayon. Sampaguita girl hindi k b nako koncencia ngayon ? Ilang bibig ang d kumakain ng dahil s iyo.
ReplyDelete